3 Huli sa pagnanakaw ng sitsirya, dahil walang ambag sa inuman

3 Huli sa pagnanakaw ng sitsirya, dahil walang ambag sa inuman

Naaresto ang 3 lalaki matapos umanong magnakaw sa isang convenience store sa Quezon City nitong madaling araw ng Lunes, na ayon sa isa sa mga suspek ay nagawa nila dahil walang ambag sa pupuntahang inuman.

Napansin umano ng tindera ng convenience store ang pagkuha ng isa sa mga suspek ng sitsirya kaya ipinagbigay alam niya agad ito sa barangay.

Sa tulong ng CCTV, nasundan ang mga suspek at agad nahuli ng mga awtoridad.Ayon sa isa sa mga suspek, nagawa nila ang pagnanakaw dala ng impluwensiya ng alak at hiya sa barkada.

“Alam mo ‘yong pakiramdam na wala kang ambag sa inuman na nakakahiya sa mga kasama mong umiinom na may ambag. Alam ko mali pa rin ‘yon, pasensya na lang masasabi ko,” sabi ng suspek.

Hindi naman umano alam ng ibang suspek ang ginawa ng kanilang kasama.Nai-turn over pa sa pulisya ang mga suspek para sana kasuhan ng shoplifting pero dahil P30 lang ang halaga ng kinuha ng suspek, ibinaba na ito sa barangay level at pinatawad na sila ng may-ari ng tindahan.

Paglabag sa ordinansang hindi pagsusuot ng face mask na lang ang haharapin ng 3, na may multang P300 kada isa.