Aso ng grade 9 student, matiyagang namamalimos sa tabi ng amo niyang nag-aaral sa kalsada

Aso ng grade 9 student, matiyagang namamalimos sa tabi ng amo niyang nag-aaral sa kalsada

Sino ba naman ang hindi ma-aantig ang puso sa picture na ito? Napatunayan nga na totoo ang kasabihang, “Dogs are man’s best friend.”

Isang Facebook user na nagngangalang Ian Capoquian ang nagshare ng isang viral photo ng isang binatilyong nag-aaral sa kalye ng Ermita, Manila kasama ang kanyang alagang aso na may kagat-kagat na maliit na basket sa kanyang bibig.


Napag-alaman na ang lalaki ay isang 16 anyos na teenager na kinilala bilang si Eddie Aquino, isang grade 9 student at ang kanyang kasamang aso na pangalan ay Black Jack. Ibinahagi ni Capoquian sa kanyang Facebook post and istorya ng batang lalaki na kanyang nakilala.

Ang mga magulang daw ni Eddie ay hiwalay na at mayroon itong dalawang kapatid. Ang kanyang nanay ay iniwan sila dahil mayroon na itong bagong pamilya. Samantalang ang kanilang ama ay kanila pa ring kasama ngunit ito ay nanghihina na.


At dahil sa ganitong sitwasyon ng kanilang buhay, kinailangan na magsumikap si Eddie sa kanyang murang edad na maghanap buhay para sa ikabubuhay ng kanilang pamilya.

Ayon kay Capoquian, patuloy daw na tinitiis ni Eddie ang marumi at malamig na lansangan para lang makahanap ng pera habang tinutulungan siya ng kanyang alagang aso. Habang ang binatilyo ay abala na mag-aral sa tabi ng kalsada, ang kanyang aso na si Black Jack naman ay abalang nanlilimos ng barya-barya sa mga taong dumadaan.


Ayon kay Capoquian, magkakahalong emosyon ang kanyang naramdaman ng makita ang dalawa na nagtutulungan.

“Saddening but inspiring,” wika niya.

Dagdag pa niya, na kaya niya pinost ang photo na iyon ay upang matulungan si Eddie. “I want him to study inside a room, a well-ventilated space, with proper lighting and proper learning materials. I want to help him.”

Tinapos niya ang kanyang post sa pamamagitan ng paghikayat sa mga netizens na kontakin siya sakaling may gusto pang tumulong sa binatilyo.

Kung tutuosin, hindi dapat nararanasan ng isang bata at alagang aso ang mamalimos sa daan dahil delikado ang nasa kalsada. Pero dahil sa hirap ng buhay ay nararanasan nila ito.