Bata, hindi alintana ang pagod para sa mga magulang na may sakit – nagtitinda ng gamit sa bahay sa umaga habang penoy at balot naman sa gabi!


Marahil ay madalas na nating marinig ang mga katagang “Walang magulang ang makatitiis sa kaniyang mga anak.” Ngunit mayroon din namang mga anak ang talagang hindi kayang tiisin ang kanilang mga magulang.

Tulad na lamang ng batang ito na nakilala ng publiko bilang si Manny Samaa na tubong Caloocan. Hindi kasi tulad ng mga batang ka-edad niya na naglalaro, nag-aaral, at namamahinga sa bahay, siya ay talagang subsob sa trabaho.

Sa umaga ay nagtitinda siya ng mga kagamitan sa bahay tulad na lamang halimbawa ng mga sponge, tabo, walis, at marami pang iba. Hindi pa rito tumigil si Manny dahil sa halip na mamahinga pagsapit ng gabi ay nagtitinda pa siya ng penoy at balot.

Kailangan niyang magtrabaho nang maaga dahil ang kaniyang mga magulang ay may sakit. Mayroong tuberculosis ang kaniyang ina habang ang kaniyang ama naman ay baldado na.

Talagang marami ang naantig ang puso kay Manny hanggang sa tuluyan na ngang kumalat online ang kaniyang kwento. Marami ang nagparating ng kanilang pagtulong sa kaniya ngunit para kay Manny, hindi siya titigil sa pagtatrabaho dahil kailangan siya ng kaniyang mga magulang at ayaw niya ring umasa sa tulong ng ibang tao.

Mas lalong humanga ang publiko sa kaniya dahil hindi niya nais pagsamantalahan ang kabutihan ng iba para sa kaniya at para sa kaniyang pamilya. Bagkus ay nais pa rin niyang magtrabaho at magbanat ng buto kahit gaano pa ito kahirap.


Sana ay mas marami pa ang mabigyan niya ng inspirasyon sa ngayon. Lalo na ang mga kabataan na madalas ay hindi na nagagawang magpasalamat sa kanilang mga magulang.

Maging ang kanilang pag-aaral ay napapabayaan na din. Dalangin din ng marami na sana ay tunay nang guminhaw ang buhay nina Manny upang maranasan din naman niya ang maging isang bata – isang batang walang inaalala at dinadalang mabigat na pagsubok, bagkus ay nag-aaral at naglalaro lamang.