Batang Nangangalakal, Nakatanggap ng Bagong Gitara mula sa Mag-asawang May-ari ng Music Store

Batang Nangangalakal, Nakatanggap ng Bagong Gitara mula sa Mag-asawang May-ari ng Music Store

Sadyang nagpaantig sa puso ng mga netizens ang viral photos na ibinahagi ng isang music store sa Tuguegarao City kung saan makikita na kanilang binigyan ng regalo ang isang batang lalaking pangangalakal ang ikinabubuhay.
Kuwento ng mag-asawang sina Marta at Valentin Lim na may-ari ng music store, lagi diumanong namumulot ng mga karton at bote sa kanilang lugar ang batang mangangalakal na si Jan Mark, kasama ang pinsan at kapatid nito. Madalas din daw itong humingi ng karton sa kanilang tindahan.

Photo credit to Balitambayan

Isang araw ay nakiusap raw ang bata na kung maaari ay i-‘trace’ ni Marta ang isang ukulele dahil gagawa raw ito ng ukulele gamit ang mga karton na kanyang kinakalakal. Magaling raw kasi ang batang gumawa ng mga bagay mula sa karton.

“One time po, nag-request siya na i-trace ko ‘yung ukulele sa karton para daw gagawa siya ng ukulele made out of box. Nabanggit din sa akin ng pinsan niya na kaya niya talagang gumawa ng mga bagay-bagay mula sa karton,” ani Marta.
Lumapit rin diumano sa kanila ang bata at nanghingi ng sirang gitara. Ngunit dahil wala silang sirang gitara at dahil na rin sa awa sa bata ay naisipan nilang bigyan na lamang ng bagong gitara si Jan Mark upang matuto rin ito sa pagtugtog.
Kaya naman nang bumalik sa kanilang music store ang bata ay nakipagkasundo si Marta dito na gawan siya ng pangdisplay na karton at kapalit nito ay bibigyan niya ng bagong gitara ang bata.

“Sabi ko palit kami, bigyan ko siya gitara tapos gawan niya ako ng pang-display na gawa sa karton sa studio ko…Kung napasaya namin siya, doble ‘yung kasiyahan namin. And it actually feels good, deep down in our souls,” kuwento ni Marta.

Photo credit to Balitambayan

Sobrang natuwa naman diumano ang batang si Jan Mark ng matanggap ang kanyang bagong gitara at makikita ang malaking ngiti sa kanyang mukha kahit natatakpan pa ito ng face mask.
Ani Marta, bagong paninda man ang ibinigay nila kay Jan Mark, hindi raw sila lugi, lalo na nang makita nila ang sayang dulot ng kanilang regalo sa bata.

Photo credit to Balitambayan

“Kung napasaya namin siya, doble ‘yung kasiyahan namin. And it actually feels good, deep down in our souls. Do not get tired being kind kasi we have proven a thousand times that it will come back to you a hundred folds,” masayang pahayag ni Marta.

Labis namang hinangaan ng mga netizens ang mabuting puso ng mag-aawang Lim kaya naman umani ng papuri ang post nilang iyon sa social media.

Source: Balitambayan