Binansagang “Putol” Dahil sa Kapansanan, Honor Student at Punong-puno ng Pangarap!


Kung mayroon kang Tiktok application ay tiyak kilala mo na itong si Aldrin Pawa, 24 mula Palawan. Siya ay mayroong 2 million followers at halos 23 million likes sa Tiktok. Madalas niyang ibahagi sa kanyang Tiktok account ang dance moves niya at ang mga kaganapan sa kanyang buhay at kung paano niya gawin ang mga bagay katulad ng pagsusulat, pagpapakain sa sarili at iba pa.

Marami ang naiinspire at natutuwa sa kanya ngunit hindi rin naman maiiwasan na mayroon ding nang-babash sa kanya. “Sa bawat pamba-bash sa akin ng tao, nasasaktan ako, parang naapektuhan ang confidence ko. Nada-down ako sa sarili ko, pero hindi dahilan iyon para ma-down ako or sumuko ako.”

Dahil dito ay mas pinagsisikapan pa ni Aldrin ang pag-aaral at ngayon nga ay nagtapos siya ng senior high school bilang isang honor student.

“Umulan man o mainit…minsan sa sobrang init nagkakaroon ako ng nana sa tuhod kakalakad. Lahat yan tiniis ko, pinagtiyagaan ko para mapatunayan ko sa sarili ko na itong ‘PUTOL’ na tinatawag nila ay makakapagtapos ng pag-aaral.”

Plano naman ni Aldrin na magkolehiyo at kumuha ng kursong education. Kaya naman ginagawa niya ang lahat para matupad ang kanyang mga pangarap at upang makapaghatid ng inspirasyon sa katulad niyang may kapansan rin.

“Gusto ko lang naman po na maipakita sa buong mundo na kahit ganito ako—wala akong kamay, wala akong paa—pinapakita ko lang ang talento na meron ako.

“Gusto ko pong magbigay inspirasyon sa mga taong katulad kong may kapansan na kung ano man ang kapansanan nila, maging motivation ito sa kanila.”