Cristy Fermin kay Herlene Budol: Walang utang na loob, Madaling lumaki ang ulo ng batang ito


NAGSALITA si Cristy Fermin patungkol sa kumakalat na isyu na may kinalaman sa sexy comedienne turned beauty queen na si Herlene Budol.

Kumakalat kasi ngayon ang balitang tila wala raw utang na loob ang dalaga sa taong unang nakadiskubre at nagbigay ng pagkakataon sa kanya na si Willie Revillame.

Napag-usapan nga ito nina ‘Nay Cristy sa kanyang YouTube channel na “Showbiz Now Na” kung saan kasama niya sina Romel Chika at Morly Alinio.

Kwento ng kolumnista, nakipag-meeting pala ang dalaga kay Willie Revillame para sa pagsali sa AMBS Network o ALLTV ngunit kinabukasan raw ay nakita na lamang sa social media na pumirma na raw ito sa GMA Network.

Ani ‘Nay Cristy, sana raw ay nagpaalam na lamang ito nang maayos sa unang naka-discover sa kanya patungkol sa mga offer ng Kapuso network sa kanya lalo na’t maiintindihan naman daw ito ni Willie at hindi ‘yung mababalitaan na lang na pumirma na ito ng kontrata sa ibang network:

Ayon sa kolumnista, maaari raw bumaba ang imahe ni Herlene lalo pa’t nasabihan na agad siyang walang utang na loob.

“Hindi niya siguro alam dito sa Philippine showbiz na ‘pag ikaw ay natatakan na ng kawalan ng utang na loob. Bababa at bababa ang imahe mo,” saad ni ‘Nay Cristy.

Dagdag pa niya, “Saka hindi marunong tumanaw ng utang na loob ito.”

Nabanggit rin ni ‘Nay Cristy ang talent manager ni Hipon Girl na si Wilbert Tolentino at ang dating raw sa kanya ay isang “malakas na hangin” base sa mga napapanood niyang interviews.

Going back to Herlene, napag-usapan rin ng tatlo na may kumakalat na tsismis na mahirap na raw kausap ang dalaga at hindi raw tulad noong magsisimula pa lamang ito sa showbiz.

Sabi nga ng kasamahan ni Nanay Cristy na si Morly, “Walang sumikat na artista ang kinabitan ng pangalang ‘ingrata’ o ‘walang utang na loob’.”

Sey pa ng kolumnista, hindi pa rin naman masasabing matagumpay na ang karera ni Herlene at napapanahon lang daw na pinag-uusapan siya ngayon.

“Tsaka alam mo madaling lumaki ang ulo ng batang ito. Sa pananalita pa lamang, sa tabas ng dila, alam mong isang araw, magkakaproblema rin ang manager niya sa kanya,” sey ni Nay Cristy.

Dagdag pa niya, “May kakaiba, mayroon akong tulis na nakikita sa kanyang pagsasalita. Hindi laging nakakaaliw ang nagkokomedya na artista kung minsan we read between the lines. Kasi yung pagbasa natin sa pagitan ng kanilang mga salita, doon natin makikita kung anong klaseng tao ito.”