Dating Balut Vendor, Engineer na ngayon dahil sa pagpupursigi

Dating Balut Vendor, Engineer na ngayon dahil sa pagpupursigi

Kahanga-hanga ang ipinamalas na determinasyon ng isa nating kababayan na kinilalang si Benny Tomas na tubong Lallo, Cagayan.

Dahil sa angking kasipagan at pagpupursige para makaangat sa buhay ay matagumapay na nagtapos ang isang balut vendor na si Benny bilang isang Engineer matapos siyang pumasa sa 2021 Sanitary License Examination.

Ayon kay Benny, ang kanyang tagumpay para maabot ang matagal na niyang pinapangarap na propesyon ay inaalay niya sa kanyang mga minamahal na nanay at tatay na kapwa walang ibang pinagkakakitaan kundi ang pagsasaka.

Aniya, tanging pagsasaka lang ang ikinabubuhay ng kanyang mga magulang ngunit natigil ang kanyang nanay simula ng makaramdam ito ng panghihina.

Pagbabahagi pa ni Benny, panglima siya sa siyam na magkakapatid at tanging siya lamang ang nakapagtapos ng pag-aaral.

Kwento niya, para matustusan ang kanyang pag-aaral at para na rin makatulong sa pamilya ay naisipan ni Benny na magtinda ng balut.

Aniya, tuwing break nito sa school ay bumibili siya ng hilaw na balut at tsaka niya ito lulutuin upang ibenta sa gabi.

“‘Yong time management ko sa pagbebenta ng balut ay kapag sa tanghali po ay may break kami sa school ay pumupunta ako at bumibili ng balut na hindi pa luto tapos ilalagay ko sa boarding house ko. After ng klase, lilinisan ko ‘yong balut at iluluto tapos magtitinda na ako ng alas-6 hanggang alas-8 (ng gabi).”


“Kapag may mga homework po ako ay ginagawa ko pagkatapos ng pagtitinda ko or kapag may madami kaming break sa daytime, doon ko po ginagawa ang homework ko.”

Malaki ang pasasalamat ni Benny sa Diyos dahil hindi siya nito binigo sa kanyang pinagdaanang pagsubok.


“Worth it po ‘yung hirap at tiyaga na ginawa ko po. Buti na lang hindi ako sumuko,” 

“Masaya at fulfilling po kasi nakapagtapos na ako ng kolehiyo at licensed engineer na po ako. Thankful ako sa Diyos sa ginawa niya sa akin.”

Nagbigay naman ng makabuluhang payo si Benny sa mga mag-aaral na nais makamit ang mga pangarap sa buhay na kailanman ay huwag susukuan.

“Magsipag at magtiyaga dahil bibigyan ka ng provision ni Lord kung anong diskarte ang nababagay para sa’yo para makapagaral. Magtiwala ka lang sa kanya,”