DSWD Sec. Erwin Tulfo, Humingi ng Paumanhin sa Pagdagsa ng Taong Kukuha ng Student Aid

DSWD Sec. Erwin Tulfo, Humingi ng Paumanhin sa Pagdagsa ng Taong Kukuha ng Student Aid

Humingi ng paumanhin si Sec. Erwin Tulfo sa pagdagsa ng tao na kukuha ng financial aid sa DSWD main offices.

Nasa 12,000 na nagnanais makakuha ng educational assistance ang dumagsa sa regional at provincial offices sa Cagayan, Isabela, Quirino, at Nueva Vizcaya Sabado, ayon sa DSWD Region 2.

Pinakamaraming nagpunta sa opisina ng DSWD Isabela na umabot ng 5,000. Tinatayang nasa 3,000 naman ang dumagsa sa DSWD Quirino habang tig-2,000 sa DSWD Nueva Vizcaya at Cagayan.

Sa pagtaya din ng DSWD Region 2, nasa 4,000 lamang sa kabuuang bilang ng mga nag-apply ngayong araw ang nabigyan ng educational assistance.

Narito ang kabuuang post ni Sec. Tulfo:

“Sa mga galit po sa amin ngayon dahil hindi po namin natulungan today…ang amin pong taos pusong paumanhin.

“WE WILL DO BETTER NEXT SATURDAY AT SA DARATING NA LIMANG SABADO.

“Ang amin pong nakikitang solusyon…ILALAPIT na po namin sa inyo ang educational assistance sa tulong po ng mga taga-city hall at munisipyo na malapit sa inyong tirahan.

“WAG po kayong mag-alala dahil ang DSWD pa rin po ang mamimili ng mga benepisyaryo para maiwasan ang palakasan, kapit, at padrino. Katuwang na rin po namin ang DILG sa proyektong ito.”