Guro naglabas ng sa loobin na kung bakit hindi siya nambabagsak ng estudyante “Ako Bilang Ako, Hindi Guro”


Naglabas ng saloobin ang isang guro mula sa Bulacan State University ng Malolos Bulacan na kung saan, tinatanong siya ng kanyang mga kapwa guro na kung bakit hindi siya nambabagsak ng kanyang mga estudyante.


Mula sa paulit-ulit na tanong ng kanyang mga kapwa guro ay tinipon niya ang bawat tanong ng mga ito na kung bakit nga ba hindi siya nambabagsak ng kanyang mga naging estudyante.

Mula sa kanyang open letter na kanyang ibinahagi sa social media ay kanyang pinost ang mahabang liham

Upang masagot na ang mga katanungan na paulit-lit na tanong ng kanyang mga kapwa guro at maging ang kanyang mga dating naging mag-aaral.

“AKO BILANG AKO, HINDI GURO”

Marami ang nagsabi ng ganito sa akin;

1. Sir, ang taas mo yata magbigay ng grades?
2. Bakit walang bagsak sa klase mo?
3.Bakit hinahayaan mo yung ibang estudyante mo na working student na hindi gaano pumapasok sa klase?
4. Bakit madalang ka magbigay assignment?
5.Bakit parang kaibigan o barkada ang turing mo sa kanila, di ba Professor ka?
6. Di ba dapat mas mataas ka kaysa sa estudyante???

Hindi ko alam kung paano ko sasagutin ito sa paraang literal, pero ito ang pang-unawa ko.

1. Grades ba ang batayan ng pag-unlad ng bata? Sa makatotohanan buhay maraming propesyunal ang hindi magaling sa akademiko pero nagtagumpay sa buhay, parang ako.. joke… hahaha..

Lagi ko sinasabi na “huwag mong ikulong ang sarili sa mo paaralan, makikita mo ang tunay na mundo sa labas kung paano ka makikibaka sa iba’t ibang uri ng tao at suliranin ng lipunan” hindi basehan ang mataas na grado kung hindi ka marunong makipagkapwa tao…

2. Nalulungkot ako, Oo nalulungkot ako sa tuwing may bumabagsak sa klase ko sapagkat ang bawat araw na pagpasok sa paaralan ay hindi ganoon kadali, nariyan ang ipangutang ng magulang ang baon makapasok lang ang anak, paglalakad ng malayo dahil walang pamasahe, kumakalam na sikmura makabili lamang ng mga proyekto ng ibang mga guro makompleto lang ang requirement para makapasa sa asignatura…

3. Working student? Oo… madalas distance learning ang ginagawa ko… ni minsan ba naisip ng ibang guro kaya sila nagtratrabaho ay hindi lang para sa kanilang pamilya kundi para din sa kanilang pangarap… pangarap na kapag binagsak natin ay maaari silang mawalan ng pag asa upang maabot pa iyon.. sobrang nalulugkot ako sa mga gurong hindi ito nauunawaan.. halos ang gabi ay gawin araw para lang makakuha ng pambili ng mga proyekto ng guro … maraming pong alternatibong paraan para matulungan sila.. sana po gawin natin..

4. Opo, hindi ako nagbibigay ng assignment, hindi dahil sa may iba akong pamantayan kundi ang tahanan ay isang lugar kung saan matatahimik ang kanilang isipan, ang pagod sa paaralan sa maghapon ay isang mabigat ng gawain bilang mag-aaral, sapagkat ayokong nakawin ang mga oras na kasama, kakwentuhan o kabiruan nila ang kanilang pamilya o kaibigan – ito lang ang oras na magbibigay ngiti sa kanila kaya huwag natin sayangin ang mga pagkakataon na naging masaya sila sa piling ng mga taong mahal nila….

5. Sabi nga.. a good teacher touches the mind, soul and HEART of the students… opo.. parang kaibigan ang turing ko sa estudyante ko… hindi dahil mabarkada ako kundi ikaw ang isa sa taong pinagkakatiwalaan nila ng kanilang buhay, ikaw ang taong kakampi nila sa labas ng tahanan, ikaw ang taong takbuhan sa oras ng kagipitan at kalungkutan. Wag po natin sayangin ang pagkakataon na pinahahalagahan tayo ng ating mga mag-aaral sapagkat iyon ay gintong maitatago natin hanggang kamatayan -TIWALA..

6. Kailanman sa buhay ko ay masasabi ko na hindi ako guro… sapagkat ang pagkakaroon ng hangganan at sukatan sa aking mga mag aaral ay hindi ko kailanman ginawa.. ako bilang ako na magsisilbing magulang na magpapayo ng tama at hindi sa mali, ako bilang kapatid, na tutulong sa oras na kailangan ng balikat at bigkis ng mga kamay para magampanan ang tungkulin, ako bilang ako na magbubukas ng muwang na kamalayan at kaisipan ng mga kabataan para sa kinabukasan.

ako bilang ako..hindi bilang guro..
-WINCEL MATEO OCAMPO, Ph.D
Bulacan State University