Hotel room attendant, nagsauli ng pera na nagkakahalagang P130k cash


Naghari ang katapatan sa puso ng isang 27-anyos na room attendant ng Hotel Sogo sa Mexico, Pampanga matapos matuklasan ang isang bag na may laman na P130,000 cash na iniwan ng isang bisita.

Ayon sa ulat ng Provincial Information Office (PIO) Pampanga noong Enero 16, 2022, nangyari ang insidente noong Enero 4, 2022.

Pagkatapos mag-check out ng isang bisita mula sa silid, pumasok ang hotel attendant na si Arjay Montemayor at nakakita ng isang bag sa ilalim ng mesa.

“Nung lumabas na po yung guest at itse-check ko po yung kuwarto niya, habang tsine-check ko nga po yung mga kagamitan sa kuwarto, napansin ko po yung bag niya, na nasa tabi po siya ng lamesa, sa ibaba po, “sabi ni Arjay.


Matapos mapansin ang bag, agad na tugon ni Arjay na tawagan ang isa sa kanyang mga kasamahan para iulat ang nakalimutang bag sa kanilang hotel supervisor.

Dahil doon, matagumpay na naibalik ang bag sa may-ari. Ayon sa panauhin, ang pera ay inilaan upang magamit para sa payroll ng kanyang mga empleyado.


“Di ako natukso na itago ang pera, dahil hindi ko naman pagmamay-ari iyon Kahit mahirap ang buhay ngayon, di ko po naisip kuhanin o itago man yung perang iyon.”

“Dahil hindi ko po pinaghirapan, e. Hindi siya masarap gastusin kung sakali man po, na hindi mo naman pinagpaguran. Wala pong kapupuntahan na maganda.”

Bilang gantimpala, na-promote si Arjay bilang isang probationary employee mula sa pagiging isang project employee status. Makakatanggap din siya ng plaque of recognition at lunch treat para sa kanyang buong pamilya.