Isang Ama sa Palawan, Tubig at Asin Ang Ulam Para Pantawid-Gutom

Isang Ama sa Palawan, Tubig at Asin Ang Ulam Para Pantawid-Gutom

Viral ang video ng isang amang nakaupo habang kumakain. Tubig at asin ang ulam ni Tatay Amero mula Palawan. Ayon sa kanyang misis, kahit tubig at asin lang ang ulam ng kanyang asawa ay papasok pa rin ito sa trabaho. Marami ang naantig sa sitwasyon ni Tatay Amero, dahil sa labis na kahirapan ay tubig at asin na lang ang inuulam nito para pantawid gutom.

“May garapon kami sa bahay. Hindi ‘yun nawawalan ng laman na asin. Mga sampung kutsara siguro.
Kapag kasi wala na kaming makain, ‘yun ang inuulam ko. Tubig at asin. Siguro sa isang linggo, mga dalawa o tatlong beses ko ‘yun inuulam. Parang nakadikit na kasi sa buhay namin ‘yung hirap.

“Pero hindi ko sinasabi sa anak ko na ‘yung tubig at asin ‘yung almusal ko bago pumasok ng trabaho. Ayaw ko kasi silang mag-alala. Kung may pera lang sana ako, makakakain siguro nang maayos din ang pamilya ko. Pero ngayon kasi, sa mahal, hanggang tingin na lang ako.

“‘Yung sinasabi nilang litson manok, relyenong bangus na masarap, hanggang pangarap na lang. Pangarap na ngayon, hindi ko pa matutupad,” ani ni Tatay Amero.

“Pagkagising ko, naabutan ko ‘yung tatay ko na kumakain. Kahit asin lang ulam niya, nakuha pa niyang ngumiti. Si Papa, ginagawa niya ‘yung magagawa niya para sa amin. Lahat sinisikap niya para makakain kami, mataguyod kami at mapag-aral kami. ‘Yun bang kahit tubig asin lang ang laman ng tiyan niya, papasok siya sa trabaho para sa amin, ani ni Prince at Jane, mga anak ni Tatay Amero.