Isang asong kalye, iniligtas ang isang babae mula sa magnanakaw nang tahulan at habulin nito ang kawatan!


Noon pa man, marami nang mga pamilyang Pilipino ang nag-aalaga ng mga hayop dahil gusto nilang magkaroon ng proteksyon sa kanilang mga tahanan lalo na kung mayroong mga masasamang tao na posibleng pumasok o magdulot ng kapahamakan sa kanilang mga pamilya. Sa ngayon ay mas marami na rin ang mga taong nahihilig sa pag-aalaga ng mga alagang aso, pusa, at iba pang klase ng mga hayop dahil sa kasiyahang dulot nila sa kanilang mga tagapag-alaga.

Ngunit maliban sa kaligayahan na naidudulot nila ay talagang marami na rin sa mga hayop na ito ang nakapagligtas ng buhay. Halimbawa na lamang ang isang video na ito na talagang hinangaan ng publiko.

Makikita sa video na mayroong isang aso na nakaupo sa labas ng isang bahay at isang babaeng maraming dalang mga bag na marahil ay pinamili nito. Kapansin-pansin ang isang lalaking nakasuot ng jacket na dilaw na sunod nang sunod sa naturang babae.

Nang mapansin ito ng nakaupong aso sa kalye ay agad nang tumayo at tila naghanda ang aso. Maya-maya pa ay sinunggaban na nga ng lalaki ang babae.

Hinablot agad ng kawatan ang dala-dalang handbag ng kawawang babae, dahilan upang siya ay matumba. Nang matumba ang babae ay agad nang sumaklolo ang nakakamanghang aso dahil talagang tinahulan, kinagat, at hinabol nito ang magnanakaw.

Dahil sa matinding takot ay nabitawan ng lalaki ang bag ng babae at tumakbo na lamang nang mabilis upang hindi na siya makagat pa nang tuluyan ng bayaning aso. Makikita rin sa video na nagawang iligtas ng aso ang babae at ang bag nito.

Maraming mga netizens din naman ang pumuri sa aso dahil sa pambihirang kabayanihan na ipinamalas nito. Tunay nga na wala mang pamilyang kumukupkop sa aso, wala man siyang tirahan ay talagang nagagawa pa rin nitong maging kapaki-pakinabang sa ibang tao – lalong-lalo na sa mga taong nangangailangan.