Isang batang nasa ika-anim na baitang, mas piniling regalo ang isang kambing kaysa ano mang laruan o gadget

Isang batang nasa ika-anim na baitang, mas piniling regalo ang isang kambing kaysa ano mang laruan o gadget

Madalas na nating naririnig sa mga matatanda na ibang-iba na talaga ang mga kabataan ngayon kumpara dati. Mas lamang ang mga hindi magagandang bagay na naririnig natin kaysa sa mga bagay na kanais-nais.

Nakakalungkot man ngunit ito na marahil ang reyalidad sa ngayon. Ngunit pinatunayan ng isang 11 taong gulang na batang ito na hindi lahat ng mga kabataan ngayon ay pare-pareho.

Para kasi sa batang si Alwytz Robiniol Gaoiran, mas gusto na niya ang regalong hayop kaysa sa iba pang materyal na mga bagay tulad na lamang ng laruan o mamahaling gadgets. Nagtapos na kasi siya ng elementarya sa Buyong Elementary School kung kaya naman tinanong na siya ng kaniyang nakatatandang kapatid kung anong gantimpala nga ba ang kaniyang nais para sa kaniyang pagsisipag sa pag-aaral.

Hindi tipikal na mga laruan ang kaniyang hiling kundi isang alagang kambing! Dahil dito ay agad naman siyang binilhan ng kaniyang kuya Alvin ng isang kambing.

Nangako kasi ang kaniyang kuya na sa kaniyang pagtatapos ay tiyak na ibibili niya ito ng kung ano mang naisin niya. Nais niya ring mas ganahan pa at magkaroon ng inspirasyon si Alwytz sa kaniyang pag-aaral at kalaunan ay maging isang “mechanical engineer”.

Bilang isang proud na Kuya ay talagang ibinahagi niya sa social media ang tagumpay na ito ng kaniyang nakababatang kapatid. Ibinahagi din ni Alvin na ibibili niya si Alwytz ng cellphone o di kaya naman ay tablet kung gugustuhin nito ngunit alagang kambing talaga ang kaniyang napupusuan.

Hindi nagtagal ay natuklasan din nilang buntis pala ang kambing na binili niya para kay Alwytz kung kaya naman pinayuhan din niya itong mas ingatan at alagaan pa ito dahil balang-araw ay magkakaroon sila ng sarili nilang farm. Ang kanilang ama ay isang magsasaka habang ang kanilang ina naman ay nagtatrabaho bilang isang domestic helper sa Kuwait.

Noon pa man ay ito na raw ang hiling ni Alwytz sa kaniyang mga magulang ngunit hindi sapat ang kanilang pera upang makabili nito kung kaya naman ang kaniyang kuya Alvin na lamang ang tumupad sa kaniyang kahilingan.