Joel Lamangan, naglabas na ng sama ng loob sa VIVA: Hindi na ako binibigyan ng project!

Joel Lamangan, naglabas na ng sama ng loob sa VIVA: Hindi na ako binibigyan ng project!

Ibinahagi ni Joel Lamangan na malabo pa sa ngayon na magkaroon siya ng panibagong mga proyekto sa VIVA dahil sa iba’t ibang dahilan.

Sa panayam as kanya ng Philippine Entertainment Portal, sinabi ni Lamangan na may dalawang dahilan kung bakit tila wala siyang proyekto ngayon sa Vivamax na hawak ng VIVA.

Isa na rito ay ang pagtanggap niya ng proyekto sa karibal ngayon ng Vivamax na AQ Prime.

“Hindi na ako binibigyan! Nagalit sa akin talaga nang gumawa ako sa AQ Prime.” pagbabahagi ng direktor.

Nakaapekto din daw ang pambabatikos na ginawa niya sa proyekto ng VIVA na Maid in Malacañang kung saan ay tinawag niyang galing sa pera ng bayan ang ginastos sa pelikula na itinanggi naman ni Yap.

“Kinumpronta ako ni June Rufino dahil sa Maid in Malacañang. ‘Inaano mo ang Maid in Malacañang, hindi mo ba alam, sa Viva Films yun?’ Wala akong sinabi against Viva. Ang sinabi ko lang, Maid in Malacañang.” ani Lamangan.

“Sabi ko kay June Rufino, ‘Alam mo naman kung saan ako nanggaling. Hindi ko isusuko ang prinsipyo ko…’” dagdag niya pa.

Si Rufino ang isa sa mga pinakamataas na opisyal sa VIVA at Vivamax.

Mayroon din diumanong pelikula si Lamangan na natapos sa Vivamax ngunit hindi ito ipinapalabas dahil nga sa masama ang loob ng nasabing kumpanya sa kanya.

Iginiit din nito na wala namang pinaghahawakan ang VIVA sa kanya para hindi siya gumawa ng proyekto sa ibang kumpanya.

“Wala naman akong kontrata sa kanila. Wala akong exclusive contract. Bakit pipigilan ako kung saan ko gustong pumunta?”

Matatandaan na noong Hulyo, bago ipalabas ang Maid in Malacañang ay binatikos ni Lamangan ang nasabing pelikula.

“Nag-uumpisa na sila. Gumawa sila ng pelikulang katar*nt*duhan, pera ng bayan yan… Anong drama yun? Drama ng pagtatakip para kaawan ng tao yung pamilyang yun. Ang tawag nga doon sa mga pumunta ng Malacañang noong panahon na yun, akyat bahay daw? Inakyat ang Malacañang, akyat bahay. Tingnan mo? Nag-uumpisa na sila.” sabi ni Lamangan noong Hulyo 20.

Samantala ay inaabangan naman ng mga netizens ang ipangtatapat na pelikula ni Lamangan sa MiM.