Lolit Solis, idinadalangin ang “painless death”

Lolit Solis, idinadalangin ang “painless death”

Dati-rati, tuwing Martes ay may online show si ‘Nay Lolit Solis. Mula nang maospital siya noong Hulyo 17, 2022 ay naiba na ang routine niya.

“Wala, e, talagang tapon na yung apat na araw mo every week,” kuwento ni ‘Nay Lolit sa eksklusibong panayam ng PEP Troika nitong Agosto 23, Martes ng hapon, sa FEU-NRMF Medical Center, Regalado Avenue, Novaliches, Quezon City.

“Kasi ito, pag nagpa-dialysis ka, parang nanghihina ka. Nanghihina ka. Tapos, kinabukasan mo mapi-feel yung talagang nanghihina ka.

“Talagang hindi ka na makaka… parang ayaw mong tumayo chu-chu. So, twice a week akong nagpapa-dialysis. Plus additional two days yung parang rest ka.

“Di, three days lang ang natitira sa week mo, di ba? Dun ko lang nagagawa yung meetings, saka bumabawi ako sa Instagram.”

lolit solis hospital
PHOTO/S: INSTAGRAM

Lolit Solis with PEP Troika’s Jerry Olea and Gorgy Rula, columnist Allan Diones, and Lolit’s daughter Sneezy Solis McDonald.

Mula nang maospital si ‘Nay Lolit more than a month ago, first time na makikipag-lunch siya with some friends on August 25, Thursday.

“Na sabi ko nga, ‘Naku, ha, Pat-P [Daza], ‘no?!’ E, siyempre, pupunta dun si Cris Roque. E, financial supporter ko yun, di ba?” pagtaas ng kilay ni ‘Nay Lolit.

“Good for P30K yun. Laging bigay nun, 30. Kasi, 3 yung parang special number niya.

“Tapos, e di, pupunta ako. ‘Ano yun, Pat-P, meron pa akong catheter?!’ ‘Naku, balewala naman yung catheter mo! Go lang tayo!’ Yun…”

Hanggang kailan pa ba yung catheter niya sa leeg? Kailan iyon ililipat sa kanyang bisig?

“Hanggang hindi pa ito nagagamit,” pagmumuwestra niya sa kanyang bisig, na doon sana padadaluyin ang dialysis kung wala siyang diabetes.

“Kumporme sa ano, e. Kasi nga, matanda na ako, diabetic pa ako. Puwedeng ano ‘to, puwedeng mahina.”

Pagpunta ba niya sa Thursday lunch, naka-wheelchair siya all throughout?

“No! Pag magwi-wheelchair ako, hindi na lang ako lalabas!” bulalas ni ‘Nay Lolit.

“Puwede naman akong lumakad, huwag lang yung mabilis. Napapagod agad ako kaya dapat, yung talagang pupuntahan namin, pag-ano mo, chuk!

“E, di ba, umaakyat ako sa itaas ng bahay ko, dun yung kuwarto ko? Kaya ko namang lumakad sa hagdanan. Yun na nga lang ang exercise ko every day, di ba?

“Pero pag nag-wheelchair ako, ayaw ko nang lumabas, ‘no?! Parang hindi ko pinangarap, ‘no?!

“Parang… ha?! Baka naman masyadong lumaki ang donasyon sa akin. Naloloka talaga ako! Either mukha akong poor, iniisip talaga nila, poor ako.

“Or talagang gusto nila akong lumigaya kaya kahit ano lang, bibigyan nila ako ng datung.

“Can you imagine, isang taga-U.S., na fan pa siya ni Bea Alonzo, pinadalhan talaga ako ng $35.

“Di ba, yung talagang… Ha! Ha! Ha! Ha! Talagang ano ba ‘to, kahit taong hindi ko kilala, ino-offer-an ako ng datung.

“Tapos, dumarating… donasyon mula sa isang kilalang-kilalang mahilig sa babae. Tapos yung isa, galing sa isang ano, di ba?

“Hindi ko akalaing ganun kalaki ang ibibigay sa akin. Parang… naisip ko nga nung isang araw. ‘Ano ba ‘to?! More than a month na akong maysakit, parang wala pa akong nagagasta!’

“Oo! Wala pang lumalabas sa sarili kong pera. ‘Kaloka talaga! Tapos, meron pa akong Team Dialysis.

“Ako na ang willing na papuntahin sila sa Korea, biglang sinagot ng isa kong alaga! Kaya binigyan ko na lang sila ng baon, di ba?!”

NOEL FERRER

Nakagawian na ni ‘Nay Lolit to watch Fr. Tito Caluag’s online Mass.

Katuwiran ni Nay Lolit, “Nag-e-enjoy ako, na-in love na ako kay Fr. Tito Caluag. Dahil siguro sa TV siya, sandali lang yung sermon.

“May time limit. Kaya nae-enjoy na ako roon. Puwede naman yun, di ba? Pinayagan naman yun ng Vatican.”

Ano ang idinadalangin niya lalo na kung nanonood siya ng online Mass?

Ngumit muli si ‘Nay Lolit, “Ang idinadasal ko lagi, lalo na kay St. Theresa… yun nga, yung painless death.

“Kung sakaling talagang darating ang oras ko. Yun lang talaga. Either hindi na ako magising, or basta wala lang akong pain na maramdaman.

“Kasi, baka pag masyadong painful ang maramdaman ko, magkaroon pa ako ng tampo kay God, di ba?

“Ayokong magkarun ng ganun. Kasi, God was so good to me. Kaya ang gusto, yun lang. Painless ano lang talaga.”

JERRY OLEA

Inurirat ko si Manay Lolit kung bakit sa 23 alaga niyang aso, si Dyokdyok ang pinakamalapit sa kanya at gustong makasama sa cremation.

“Dati, 50-plus ang mga alaga kong aso. Hindi siya kasama sa tatlong paborito,” kuwento ni Manay Lolit.

“Nagtataka ako. Kasi, ang mga paborito ko noon, sina Whitey, si Tiny, si ano. So, sila yung nandun sa kama ko.

“Ilan lang ang puwedeng umakyat sa kuwarto. May territory sila. E, yung tatlong yun, automatic na sila yung nasa kama ko pag tutulog na ako.

“Si Dyokdyok, nasa kuwarto rin, pero laging lang dun sa sulok. Lagi lang siya sa sulok ng kuwarto ko.

“Tapos, isa-isang namatay yung tatlo. Old age. Saka lang siya [Dyokdyok] umakyat sa kama ko. At hindi na niya pinaakyat yung ibang mga aso.

“Pag kami, umakyat dun, growl talaga siya sa mga nagtatangkang sumunod. Awayin niya talaga!”

May nakakapasok bang ibang aso sa kuwarto niya pag matutulog na siya?

Napangiti si Manay Lolit, “Matatawa ka sa kanya, ha. Pag pusa ang umakyat dun, hindi niya pinapansin. Pusa, dapat kalaban ng aso, di ba?

“Pero kapag kapwa niya aso, talagang AHWHWHWHWGRRRHHH!!! Threatened siya. Talagang hindi niya papaakyatin.

“Saka kapag nasa ibaba ako, wala siyang ginawa kundi kaskasin ako para umakyat na. Pag nasa itaas ako, feeling niya, safe na.

“Ayaw talaga niyang malapitan ako ng ibang dog. Tapos yun nga, parang nagkaroon kami ng bonding chu-chu.

“Tapos naisip ko, parang napaka-loyal ng asong ‘to, chu-chu, chu-chu. Talagang pag napi-feel ko, pag malungkot ako, masakit ang katawan ko, malungkot din siya sa ano.

“Pag maano ako, talagang ano siya, masaya-saya din siya konti. Kaya naisip ko, kawawa naman si Dyokdyok pala kapag naiwan ko.

“Baka hindi alagaan ni Mel dahil matanda na ‘yan, e. Kaya parang sa akin na talaga ‘yan sumasama… kaya dadalhin ko na lang siya.”

Si Mel ang girl friday ni Manay Lolit. Si Dyokdyok ay fourteen (14) years old na.

lolit solis pet dog

PHOTO/S: COURTESY OF SNEEZY SOLIS MCDONALD

Andaming nagalit sa habilin ni Manay Lolit isama si Dyokdyok sakaling ike-cremate na siya. Hindi raw ba siya naaawa kay Dyokdyok?

“Maaawa naman ako sa kanya pag naiwan siya, tapos hindi naman siya aalagaan, di ba?” madamdaming sambit ni Manay Lolit.

“Siyempre, sanay siya sa akin na kumakain ng karne, dog food, at saka ano.”

Aalagaan din naman siguro si Dyokdyok ng iba?

“Siyempre, hindi na. Gusto ko pa mang ihabilin si Dyokdyok sa isang trusted friend ko, kaso, nanganganib siyang makulong!” bulalas ni Manay Lolit.

“Pag nakulong pa naman ang trusted friend kong iyon, out of town, sa malayong probinsiya! Ang hirap-hirap niyang dalawin!”

Pakiwari ba niya, kapag pumanaw siya, halos kasabay niyang malalagutan ng hininga si Dyokdyok?

Napangiti muli ang 75-anyos na si Manay Lolit, “Alam mo, feeling ko talaga, kasi old na rin si Dyokdyok, e…

“Kaya napi-feel ko, baka magpauna pa siya sa akin. Ang lambing-lambing niya lately. Kaya nagdududa ako sa kanya.

“Talagang para siyang may utak. Parang alam na alam na niya.”