Tatay na nangangalakal, pinasalamatan ng anak na nagtapos sa UP


Isa na namang inspiring na kwento ng tagumpay ang tiyak na tatatak sa puso’t isipan ng bawat Pilipino. Tunghayan ang storya ng isang lalaking naabot ang kanyang minimithing pangarap at hindi nagpatalo sa matinding hamon ng buhay.

Kilalanin si TJ Tenedero, ang binatang nagtapos sa University of the Philippines na anak ng isang magbobote at lumaki sa tabing riles ng tren o squatter’s area.

Sa kabila ng mahirap nilang pamumuhay, sa kabutihang palad ay mayroon syang tatay na pursigidong magsakripisyo para lang masuportahan ang pangangailangan nilang mag-anak.

Kaya naman noong Father’s day ay proud na proud nitong binati ang kanyang ama sa pamamagitan ng isang post sa social media.

Kwento ni TJ, dalawang-taong gulang pa lang raw sya ay pamilyar na sya sa tunog ng paparating na tren.

“Alarm clock ko ang tren sa madaling araw pag may pasok sa school. Sa gabi naman, pag nakadaan na ang tren tulugan na. Naranasan ko na umuuga ang kama ko noon pag dumadaan ang tren,” saad nya ayon sa isang ulat.

Aniya pa, lubog daw sa baha ang kanilang tahanan sa tuwing may bagyo o malakas na pag-ulan.

Naibahagi rin nya ang estado ng lugar na kanyang kinalakihan na hindi naging hadlang sa kanya para mangarap bagkus naging dahilan pa para sya magsumikap.

Ayon kay TJ, mula pa noong 1995 ay nagbobote-dyaryo na ang kanyang butihing ama para matustusan ang kanilang pamilya. Sa pamamagitan nito, naka-survive ang kanilang pamilya sa hirap ng buhay. Gayunpaman, hindi kinahihiya ng binata ang ikinabubuhay nilang mag-anak noon dahil dito umano sya nagsimulang bumuo ng kanyang pangarap.

Nagtapos si TJ sa UPLB o University of the Philippines Los Banos sa kursong Agricultural and Applied Economics.