Tatlong Nanay, Nagtapos ng Senior High School!


Sabi nila, hindi biro ang responsibilidad ng isang ina. Ang pagiging ‘housewife’ ay hindi madali lalo na at kailangang pagsabay-sabayin ang pag-aasikaso sa mga anak, mister at sa mga gawaing bahay. Kung minsan, ang mga ina ay hindi na nagbibigay ng oras para sa kanilang sarili dahil inilalaan na lang ito sa kanilang pamilya.

Inspirasyon naman ang hatid ng tatlong nanay sa Bulan, Sorsogon na tagumpay na naabot ang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral sa kabila ng edad at estado sa buhay.

Kabilang sina Rosanna Altarejos, Mirafe Grantos, at Corazon Gludo sa mga nagtapos ng senior high school sa Faustino G. Glua High School. Hanga ang guro na si Gino Gutlay sa pagsusumikap ng tatlong ina.

Aniya, huwaran sila lalo na sa kabataan na kahit sila ay may pamilya na’t maraming responsibilidad sa buhay ay nagpursige pa rin para sa pangarap. Una silang nakapagtapos ng junior high school sa ilalim ng Alternative Learning System.